Home | From the Soldiers | The Struggle for Change | Withdrawal of Support | The Armed Forces | The Nation | Issues and Concerns

--------------------------------------------------  From the People | Soldiers of the People | About Us | Links  --------------------------------------------------

 

Scout Rangers, Marines and Special Action Forces Officers under Investigation and Custody, in Detention, and/or Changed

 =================

Brig. Gen. Danilo Lim

=================

Brig. Gen. Francisco Gudani

=================

Maj. Gen. Renato Miranda

=================

Col. Orlando de Leon

=================

Col. Ariel Querubin

=================

Lt. Col. Alexander Balutan

=================

Ltsg. Antonio  Trillanes IV

=================

Capt. Nicanor Faeldon

=================

Capt. Rene Jarque

=================

Sen. & Lt. Col. Gregorio Honasan

=================

Gen. Jose Almonte

=================

We Belong

=================

 

Lt. Col. Alexander Balutan

Ang Mandirigma

Chech Lazaro, Probe Team, October 13, 2005

 

Ilang ulit nang kinilala ang kanyang kagitingan sa pagtatanggol sa bayan. Pero ngayon, mabigat ang bagong laban ni Marine Lt. Col. Alexander Balutan.

Ano ang nagtulak sa kanya para suwagin ang may kapangyarihan?

Si Lt. Col. Alexander Balutan ay isa sa mga produkto ng Philippine Military Academy na ipinagmamalaki ni Marine Brig. Gen. Francisco Gudani.

Battalion commander ni Balutan si Gudani mula pa noong 1986. Nagkasama sila sa Lanao noong 2003 hanggang 2004. Nitong huli, nagkasama sila sa PMA. Assistant superintendent si Gudani habang assistant commandant ng mga kadete si Balutan.

Hindi nakapagtataka na ipagmalaki ni Gudani si Balutan. Kakaiba nga ang sundalo na kilala sa tawag na "mandirigma."

Habang nagbibilang na ng mga bank account, kotse at mansyon ang ilang opisyal ng militar, si Balutan, kanyang asawa at ang anim na anak ay nagkakasya sa isang two-bedroom housing unit sa Taguig. Tumanggi siya noong una naming sabihin na pupuntahan namin siya sa bahay.

“Baka marami lang maiyak, ‘wag na. Isang kuwarto lang, patung-patong ‘yung mga anak ko e pito,” pahayag ni Balutan noong unang tangkaing kapanayamin ng Probe.

Hindi niya ikinahihiya ang kanyang kalagayan. Sadyang simple at marangal na buhay lang ang hanap niya.

“Sa akin ang mabuhay ng malinis ‘yung you live sa sarili mong means kung ano yung kinikita mo ‘yun lang ang kaya mong ibuhay sa pamilya mo.”

Sa pananaw na ito, kasama ng mandirigma ang asawang si Angie na isa ring simpleng maybahay.

“Maliit lang, wala pang sixty square meters. One bathroom, two bedrooms, isang hakbang mo kusina, isang hakbang mo sala, gano’n kaliit,” paglalarawan ni Angie sa kanilang bahay.

“I think small but it’s home we can call,” dagdag ni Angie.

Prinsipyo
Dalawampu’t isang taon nang kasal ang mga Balutan at maliwanag kay Angie ang prinsipyo sa buhay ng asawa, lalo na ang pamumuhay ayon sa kanilang kinikita.

Wala pang P20,000 kada buwan ang sweldo ni Balutan. Pandagdag sa kanilang gastusin ang kita sa minanang palayan na dalawang beses kung umani sa isang taon.

Todo ang higpit ng sinturon ng mga Balutan.

Ang panganay ay kumukuha ng computer engineering sa isang ordinaryong unibersidad sa Maynila habang ang lima pa nilang anak ay sa public school nag-aaral. Wala silang katulong sa bahay.

“Lahat sila may duty sa bahay kasi wala naman tutulong sa akin might as well train them. Di kami nasanay sa katulong e kami lang ng mga bata,” ani Angie.

Ang sakripisyo ng mga anak ay ginagawa rin ng ama.

“Pag nasa bahay siya, siya ang nagluluto. Compensating siya. Niloloko nga siya minsan na washing Marine kasi nga tumutulong siya sa bahay,” sabi ni Angie.

“Nasa field ako parati so 'yung sweldo ko binibigay sa kanya ng aking paymaster at ang natitira na lang sa akin sa field 'yung combat pay ko na lang na P240 na pang toothbrush at pang-sabon,” ani Balutan.

Hindi lingid sa mga kapwa sundalo at opisyal ang panuntunan ni Balutan.

Isa sa kanila ay ang kaklaseng si Col. Florentino Manalastas Jr.

“Si Alex ay isang ma-prinsipyong tao. Siya ay masayahin, mapagbiro pero sa kabila noon nakikita ko na sa kanya na siya ay isang seryosong tao,” ani Manalastas.

Masunurin daw si Balutan sa motto ng PMA dahil sa kanyang katapangan sa pakikipaglaban at integridad sa buhay bilang isang opisyal ng militar.

“Nakikita ko na siya ay hindi maluhong tao, siya rin ay merong loyalty,” dagdag ni Manalastas.

Lalo na raw kahanga-hanga ang paninindigan ni Balutan dahil kayang kaya niyang magpayaman kung gugustuhin.

“Kung meron ka naman pagkakataon na magpayaman ay sasamantalahin mo siguro lalo na ‘yung sa kanyang posisyon.
Alam mo kung ma-assign ka dun sa isang lugar na marami kang oportunidad na magpayaman. Syempre kung ikaw ay walang paninindigan at ‘yun nga ‘di simple ang pamumuhay mo maaari mong samantalahin ang oportunidad na yun,” pagmamalaki ni Manalastas para sa kanyang kaklase.

Sa Class Matikas 1983 ng PMA, isa daw si Balutan sa pinakamaraming narating na tagumpay.

Una na rito ang mga award at medalyang nakuha niya sa pakikipaglaban sa mga rebelde.

“I’ve been in the field for more or lesss fifteen years and I can say with confidence that I’ve had a little less than a hundred combat encounters against the enemies of the state. I was ambushed four times,” pagmamalaki ni Balutan.

Noong mag deklara si dating Pangulong Estrada ng all-out war laban sa mga rebelde sa Mindanao, nasabak sa higit 50 bakbakan si Balutan.

Pinamunuan niya ang halos 400 sundalo na lumusob sa Camp Abubakar. Higit kalahati ang nalagas sa kanyang tropa nang napabagsak ang kuta ng mga rebelde.

“Ang tawag sa kanya ay mandirigma dahil ‘dun sa kanyang combat records,” ayon kay Manalastas.

“Simple lang ang ambisyon ko. ‘Yung maging successful military officer someday and just like everybody ika nga, pumasok sa PMA, maging officer ng Armed Forces at kung may pagkakataon at maganda ang serbisyo mo sa bayan maging heneral din,” ani Balutan.

Pero mukhang mauudlot ang pangarap ni Balutan dahil sa kontrobersyal na pagdalo niya sa Senado at pagpapatunay na nagkaroon ng matinding dayaan noong nakalipas na eleksyon.
.
“Ang sabi ko nga sa sarili ko at sa pamilya ko kasi ako nga lang naman ang breadwinner sa pamilya ko, kung ito ang paraan na mai-correct natin ‘yung sistema na sinasabi nila na matagal nating minimithi lalo na sa Armed Forces, so be it! Kaya ko sigurong isakripisyo ang aking serbisyo, ang aking career,” pahayag ni Balutan.

Tao, hindi sistema
Malinaw kay Balutan na tao at hindi sistema ang problema sa bansa.

“Ang dapat nating tutukan yung man behind the system na where sasabihin mo na ba si Colonel Dumogon nakapagnakaw ‘yan dahil sa maling sistema. Ang tanong ko sino ba ang nagnakaw si Colonel Dumogon o ‘yung sistema? Kailangan improve natin ‘yung character at saka ‘yung integrity, ‘yung the whole pagkatao ng officers,” ani Balutan.

Dagdag ni Balutan, ang sinasabing chain of command na istriktong sinusunod sa AFP ay isang organizational structure o pagkakasunud-sunod lamang ng ranggo sa hukbo.

Hindi naniniwala si Balutan na kahit mali ang ginagawa ng mga nasa itaas ay kailangang sundin na lamang sila basta-basta ng mga nasa baba bilang pagtingin sa chain of command.

Kahit ano pa raw ang sabihin ng iba, simple lamang ang talagang kailangan sa AFP at iba pang institusyon sa bansa.

“Leadership by example. I believe na yung leadership by example is the most powerful trait na pwede mong ibahagi sa inyong mga subordinates. You walk the talk, you do what you preach no commander, no leader can demand respect and loyalty from his subordinates if he himself does not set an example,” pahayag ni Balutan.

Pinatunayan ito ni Balutan noong buong tapang siyang humarap sa Senado kasama ni Gudani. Magkasama nilang sinuway ang kautusang direktang nanggaling sa Pangulong Arroyo.

Binawalan silang magtungo sa pagdinig ng Senado nang walang pahintulot ng kanilang mga pinuno at ng Pangulo.

Ayon kay Balutan, pahirap para sa isang opisyal tulad niya na makitang iba ang sinasabi sa talagang ipinatutupad at ito ang nagtulak sa kanya sa Senado.

“Alam kong tama ako e. Sino ang matatakot kung ang sasabihin mo ‘yung tama? ‘Yung pagsabi ko ng katotohanan e reflective ng sentiments at ‘yung ideas ng karamihan sa Armed Forces,” pagtatapos ni Balutan.

=====================================

 

Home | From the Soldiers | The Struggle for Change | Withdrawal of Support | The Armed Forces | The Nation | Issues and Concerns

--------------------------------------------------  From the People | Soldiers of the People | About Us | Links  --------------------------------------------------